MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 40-anyos na empleyado ng Department of Education ng di kilalang suspect sa loob mismo ng eskwelahan sa San Francisco, Agusan del Sur nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Rico Amora Tiu, residente ng Purok-1, Brgy. 3, ng nasabing lalawigan. Sa ulat ni CARAGA Police Spokesman Supt. Martin Gamba, alas-4:30 ng hapon ng maganap ang pamamaril sa San Francisco Pilot Elementary School, kung saan kadarating lamang ng biktima sakay ng kanyang motorsiklo.
Agad umanong lumapit ang suspect at saka pinagbabaril ang biktima hanggang sa bumulagta ito sa tatlong tama ng bala sa katawan.
Agad namang tumakas ang suspek na sinamantala ang pagkakagulo ng mga guro at tao.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na ang biktima ay nasa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa illegal na droga.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen.