2 parak na gumahasa at pumatay sa 2 JIL preacher kinasuhan ng NAPOLCOM

MANILA, Philippines -Posibleng masibak sa serbisyo ang dalawang pulis na nakatalaga sa Balete, Batangas na gumahasa at pumatay sa dalawang babaeng preacher ng Jesus Is Lord Church matapos na sila ay sinampahan na kahapon ng kasong administratibo sa National Police Commission (NAPOLCOM).

Ayon sa tanggapan ni NAPOLCOM Vice-Chairman and Executive Officer Eduardo U. Escueta pagkasibak sa serbisyo  ang kahaharaping parusa sa kasong administratibo ng mga suspek  na sina  PO3 Rico Benitez at PO2 Mhelvin Pagkaliwangan, bukod pa sa kasong rape at murder sa korte.

Kahapon ay kasama ni Atty. Persida Acosta, hepe ng Public Attorneys Office (PAO) ng Department Of Justice (DOJ) ang labing limang saksi at ang mga abogado ng JIL sa tanggapan ng Inspection Monitoring Investigation Service (IMIS), NAPOLCOM, Makati City upang pormal na sampahan ng kasong administratibo ang dalawang pulis na gumahasa at pumatay sa mga biktimang sina Leonila Babes C. Café at Adelaida Deling Fabricante.

Ang mga suspek ay tinanggal na sa kanilang puwesto at nasa kustodya na ng Miguel Malvar, Batangas Provincial Police Office para isailalim ang mga ito sa imbestigasyon.

Base sa record, naganap ang insidente noong Agosto 6, 2013 sa Balete, Batangas ay tiwalang nakisakay ang mga biktimang sina Café at Fabricante  sa mobile patrol car ng mga suspek.

Subalit, pagkasakay ng dalawang biktima ay nauwi sa malagim na trahedya matapos pumalag ang mga ito sa ginagawang  panggagahasa sa kanila ng dalawang suspek na pulis.

Pinagpapalo umano ang mga biktima sa ulo ng matigas na bagay  at baril hanggang sa mamatay.

Natagpuan ang mga bangkay nina Café at Fa­bricante sa boundary ng Barangay Poblacion 2  at Barangay Makina, Balete, Batangas.

 

Show comments