Utol dedbol sa kuya

MANILA, Philippines - Inatado nang saksak ng isang 54-anyos na lalaki ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki matapos mu­ling maungkat ang matagal na nilang alitan naganap kamakalawa sa Balanga­san District, Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Ang biktima na namatay noon din ay nakila­lang si Nonito Sandot, 48, may-asawa at residente ng Brgy. Buenavista  ng lungsod.

Ang suspek na agad din nadakip matapos ang isinagawang follow-up operation ay nakilalang si Florencio Sandot.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, bago naganap ang krimen sa nasabing lugar bandang alas-5:05 ng hapon ay lasing na nagtungo ang biktima at  nag-iingay sa bahay ng kaniyang kapatid na babae na si Ofelia Lamerosa, 44.

Nagkataon naman na nandoon ang kuya nito na nanonood ng telebisyon at narinig ang pagsasalita ng masakit sa kanilang kapatid na babae na ikinagalit lalo nito dahil may kinikimkim din itong galit sa biktima.

Agad na kumuha ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima na nasawi noon din.

Nahaharap sa kasong kriminal ang suspek na nakakulong na sa detention cell ng Pagadian City Police.

 

Show comments