Buntis nagsilang ng anak sa LRT

MANILA, Philippines - Isang 23-anyos na buntis na ginang na papun­ta sana sa Dr. Jose Fabella Hospital ang ina­butan ng pagputok ng panubigan sa loob ng tren ng Light Rail Transit-Line 2 kung kaya’t naisilang nito ang kanyang anak pagdating sa Legarda Station kaha­pon ng umaga.

Sinabi ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, na agad namang tinulungan nina Dr. Edgardo Aguas, resident doctor ng LRTA at nurse na nakilala sa pangalang Anna, ang ginang at maayos na naipanganak ang sanggol na babae.

Nailuwal ang sanggol dakong alas-8:50 ng umaga habang tumatakbo ang tren patungo sa Recto Station sa Maynila.

Dinala naman ang mag-ina sa Fabella Hospital kung saan nasa maayos na kalagayan na ang mga ito.

Ang naturang sanggol ang ikatlong naipanganak sa LRT train system ngayong taon at pinakahuli dito ang isang sanggol na ipinanganak sa LRT Line 1 Blumentritt station noong Hulyo 31. 

Ang naturang sanggol rin ang ika-16 na naipa­nga­­nak sa LRT system mula nang mag-operate ito noong 1984.

Show comments