MANILA, Philippines - Kinukunsidera ni Justice Secretary Leila De Lima ang paglalagay kay Janet Lim-Napoles sa Red Noitce list ng Interpol
Ang desisyon ay bunsod na rin ng patuloy na paghahanap ng mga otoridad kay Napoles na ipinaaresto ng Makati Regional Trial Court dahil sa kasong serious illegal detention.
Sa oras na mailagay ang isang akusado sa nasabing listahan, maaabisuhan ang may 190 bansang kasapi ng Interpol o International Criminal Police Organization na siya ay pinaghahanap sa Pilipinas.
Naniniwala naman si De Lima na wala pang indikasyon na nakalabas na ng bansa si Napoles at posibleng mahirapan ito na makalabas ng bansa dahil kinansela na ng Deparment of Foreign Affairs ang kanyang pasaporte.
Samantala, ang Special 4th Division ng Court of Appeals ang hahawak ng Petition for Certiorari na inihain ng kampo ni Napoles kontra sa warrant-of-arrest at si Justice Ramon Garcia ang naatasang magponente sa kaso.
Dito ang Chairperson ng Special 4th Division ay si Justice Amelita Tolentino, habang special member naman si Justice Angelita Gacutan dahil on leave ang junior member na si Justice Danton Bueser.
Hiniling ng kampo ni Napoles na magpalabas ang Court of Appeals ng temporary restraining order laban sa warrant of arrest na inisyu laban sa kanya at sa kanyang kapatid na si Reynald Lim.