MANILA, Philippines - Nauwi sa kamatayan ang pagtungo ng isang magtiyuhin sa evacuation center matapos na aksidenteng mahulog ang isang 3-anyos na batang lalaki habang nakapasan sa likod ng tiyo nito kahapon sa Imus City, Cavite.
Ang biktima na natagpuang nakalutang sa baha matapos ang ilang oras na paghahanap ay kinilalang si Constantine Hernandez, residente ng Brgy. Malagasang II-E ng nasabing lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:00 ng madaling-araw ay kasagsagan ng malakas na ulan dulot ng bagyong Maring at habagat na kung saan ay lagpas tao ang tubig baha sa nasabing lugar.
Nagpasya ang mga residente na lumikas at pamilya ng biktima upang magtungo sa evacuation center.
Habang pasan-pasan ng tiyuhin na si Moses Modesto, ang biktima at lumulusong sa baha nang biglang mawalan ito nang panimbang dahil sa lakas ng agos ng tubig baha.
Aksidenteng nabitawan ni Modesto ang pamangkin kaya’t tinangay ito ng malakas na agos at sa bilis nang pangyayari ay hindi nila ito naabutan at nakita.
Ilang oras na paghahanap ay natagpuang palutang-lutang ang bata sa tubig baha.
Ang biktima ay ikalima na sa naiulat na nasawi sanhi ng bagyong si Maring sa lalawigan ng Cavite.