‘Love triangle’ binata pinabulagta

MANILA, Philippines -  Bulagta ang isang binata makaraang barilin sa katawan at ulo ng isang dating barangay tanod na dating live-in partner ng isang dalaga sa Barangay Old Cabalan, Olongapo City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PO3 Jaime Fredeluces, Police Station 4 ng Olangapo City ang biktima na si Salvador Rupa, 51, construction worker na residente ng Balite lane, Purok 9, Old Cabalan, sa lungsod.

Ang suspek naman na agad na tumakas matapos ang krimen ay kinilalang si Leonito Llamado, 44; dating barangay tanod ng New Cabalan na nakatira sa Balikatan Village Purok 3, New Cabalan, Olongapo City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-7:10 ng gabi sa Barangay Old Cabalan sa lungsod.

Ayon kay Jocelyn Dizon lumabas siya ng kanilang tahanan para bumili ng pagkain sa tindahan ng makita niyang kinokompronta ng suspek ang biktima hanggang sa bumunot ng baril ang salarin saka pinaputukan ang biktima.

Nang matiyak na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek dala ang baril na ginamit sa krimen.

Inamin ni Jocelyn na dati niyang live-in partner ang suspek pero ngayon  ang kanyang kinakasama ay ang biktima.

Anang dalaga, naki­ki­pagbalikan umano sa kanya ang suspek pero tumanggi ito kaya ang pinagdiskitahan ng kanyang galit ay ang biktima.

Nagsasagawa ngayon ng follow-up-operation ang mga tauhan ng Olongapo police para madakip at makasuhan ang tumakas na salarin.

Show comments