MANILA, Philippines - Isang sinasabing asset ng pulis ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakilalang salarin na pumasok sa tahanan nito sa Sitio Bliss, Brgy. Balide, Aurora, Zamboanga del Sur kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Luther Tecson, 42, may-asawa at residente ng naturang lugar.
Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo na siyang agad na ikinamatay nito.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 9 Spokesman Chief Inspector Ariel Huesca, naganap ang insidente bandang alas-7:00 ng umaga.
Bigla na lamang sumulpot sa lugar ang gunman na walang pasintabing sumilip sa nakabukas na pintuan ng tahanan ng biktima saka pinagbabaril ito.
Mabilis na tumakas ang salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon matapos na masigurong napatay nito ang biktima.
Nagsasagawa na ng followup operations ang mga awtoridad sa insidente upang maaresto at mapanagot sa batas ang salarin.