MANILA, Philippines - Mistulang sumabak kahapon sa giyera si Manila Mayor Erap Estrada nang nakasuot ng camouflage para pangunahan ang panghuhuli sa mga bus na nagbanta na papasok sa lungsod sa kabila na pinaiiral na bus ban.
Dito ay anim na city bus ang tila sinuÂbukan si Estrada nang pumasok ito sa Maynila na hindi umubra nang sila ay paghuhulihin ng pinagsanib na puwersa ng Traffic Bureau ng Manila Police District, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Mabuhay Rotonda.
Kabilang sa mga hinuli na bus ay ang mga may biyaheng Fairview-Baclaran via Quezon Avenue na Greenline Express (UYC 165); Corimba Express (UVC 499); Thelma Transit (UWE 224); Thelma Transit (UWF 534); Safeway (UVJ 465) at Universal Guiding Star (UVE 231).
Dakong alas-7:00 ng umaga nang dumating sa Mabuhay Rotonda si Estrada na nakasuot ng camouflage at pinagunahan ang panghuhuli.
Sa gitna ng kalsada, hinarap nito ang abogado ng mga bus operator mula QC na si Atty. Ferdinand Topacio at EFQBOA Spokesman Jessie Santos kung saan nagpalitan ng pahayag ukolsa kani-kanilang depensa.
Napagkasunduan naman ng mga bus operator at ng may-ari ng Park ‘n Ride na si Estellita Javier na kalahati na lamang ang ibabayad na security bond ng mga bus operator depende sa bus na pinapayagan ng city government.
Ayon kay Estrada napilitan na lamang siyang gamitin ang camouflage na uniform bilang paghahanda sa bantang paglusob ng mga bus operators at pagpasok ng mga bus at umaasa na hindi niya muling isusuot.