MANILA, Philippines -Namatay sa kamay ng mga bandidong Abu Sayyaf ang kinidnap nilang Malaysian trader habang nagawa namang makatakas ang pinsan nito matapos na makatulog ang kanyang mga abductors sa kagubatan ng Sulu.
Kinumpirma kahapon ni Col. Jose Johriel Cenabre, Commander ng Task Force Sulu ang masaklap na pagkamatay ng bihag na si Chong Wei Fei, 33-anyos, plantation manager na dumaranas ng sakit na diabetes at hypertension.
Nalaman ang pagkamatay ni Wei Fei matapos na makatakas nitong Martes ng madaling-araw sa kamay ng kaniyang mga abductors ng pinsan nitong si Chong Wei Jie, 26-anyos, assistant manager sa isang Palm Plantation sa Lahad Datu, Malaysia.
Ang magpinsang Malaysian traders ay dinukot ng mga armadong Abu Sayyaf na dumayo pa ng kidnapping sa Lahad Datu noong Nobyembre 2012 at dinala sa kabundukan ng Sulu.