MANILA, Philippines -Pinalakas pa ng pulisÂya at militar ang kanilang intelligence monitoring laban sa mga teroristang grupo upang mapigilan ang spillover ng pambobomÂba sa Mindanao sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Chief P/Director Marcelo Garbo Jr., binigyan na niya ng direktiba ang limang District Commanders sa Metro Manila na paigtingin ang pagbabantay sa kani-kanilang mga nasasakupan upang matiyak na walang magaganap na spillover ng pambobomba sa Metro Manila na magkakasunod na yumanig sa Mindanao Region.
Bantay sarado na ngayon sa mga operatiba ng NCRPO ang apat na Embahada ng mga bansang kaalyado ng Pilipinas tulad ng Embahada ng Estados Unidos na nasa Roxas Boulevard sa Pasay City; Embahada ng Great Britain, Australia at Israel na pawang nasa Makati City.
Nagdagdag na rin ang NCRPO ng karagdagang mga pulis sa mga matataong lugar tulad ng LRT, MRT, bus terminals, dauÂngan at paliparan sa gitna na ring ng ginagawang monitoring sa takbo ng malagim na pambobomba na itinanim sa multicab sa Cotabato City nitong Lunes ng hapon kung saan umabot na sa 8 ang nasawi habang 30 pa ang nasugatan.
Una nang may naganap na pambobomba sa Cagayan de Oro City na kumitil ng buhay ng 8 katao kabilang si Misamis Oriental Board member Ronald Lagbas at dalawang doktor noong Hulyo 26 ng gabi na nagresulta rin sa pagkasugat ng 46 pang biktima.