MANILA, Philippines - Hindi sukat akalain ng isang 26-anyos na magsasaka na sakay ng kalabaw na live wire pala ang hinawi nitong nakaharang na kawad ng kuryente sa kanyang daraanan na naging dahilan para siya makuryente ganun din ang alagang kalabaw na naganap kamakalawa sa Sitio Bitoon, Brgy. Tamil, Jose Dalman, Zamboanga del Norte.
Nagkikisay at namatay noon din ang biktimang si Marthur Legarto, matapos na dumaloy sa katawan nito ang malakas na boltahe ng kuryente kung saan nadamay sa insidente ang sinasakyan nitong kalabaw.
Sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-7:00 ng umaga habang si Legarto na nakasakay sa alagang kalabaw at patungo sa kanilang bukirin para magsaka.
Nang humarang sa kanilang daraanan ang nakalaylay na kawad ng kuryente ng Zamboanga Del Norte Electric Cooperative.
Hinawakan ito ni Legarto upang hindi makasagabal sa kanilang daraanan, subalit sa kamalasan ay live wire pala ang nasabing nakahambalang na kawad kaya’t nakuryente silang mag-amo.