6 opisyal ni ex-Mayor Lim itinapon sa Boys Town

MANILA, Philippines - Ipinatapon ng bagong pamunuan ng Maynila ang 6 opisyal ni dating Manila Mayor Alfredo S. Lim sa Boy’s Town Complex sa Marikina City.

Ang anim na dating opisyal ay kinilalang sina Engr. Melvin Balagot, dating city building offi­cial; Jay dela Fuente, department of social welfare-Manila; Henry Dy, Manila South Cemetery; Eddie Noriega, Manila North Cemetery; Engr.Deng Manimbo, public recreations bureau at Bong Evangelista, parks development office.

Sa pamamagitan ng detail orders (DOs) na ipinalabas at binigay kahapon sa mga nasabing dating opisyal ng tauhan ni City Admi­nistrator Simeon Garcia, Jr.

Napag-alaman na mula noong Hulyo 1, 2013, ang mga nasabing dating opisyal kasama ang marami pang iba ay tinanggal sa kanilang posisyon at inilagay pansamantala sa tanggapan ni Garcia.

Sa loob ng isang buwan, ang mga naturang dating opisyal ay nakaipon o magkakatabi lamang sa isang partikular na bahagi ng naturang tanggapan, na tinagurian sa City Hall na ‘the aquarium’, kung saan nagre-report ang mga ito nang mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon nang walang ginagawa, walang lamesa at wala ring nakatakdang upuan.

Samantala, isang Nancy Villanueva, na dating hepe naman ng Manila Traffic and Parking Bureau, ay patuloy umanong naka-detail sa tanggapan ng bise alkalde mula pa noong Hulyo 1 nang wala ring ginagawa.

Inatasan din sila sa liham na mag-report sa Boys’ Town upang ma­kuha ang detalye ng ka­nilang bagong assignment.

Show comments