2 holdaper dedo sa shootout

MANILA, Philippines -Napatay ng mga pulis ang dalawa sa tatlong lalaki na nagsagawa nang panghoholdap sa isang pampasaherong jeep matapos na manlaban ang mga ito kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Walang nakuha na anumang pagkakakilanlan ang mga pulis sa katawan ng dalawang napatay na suspek na ang  isa ay may tattoo na Sputnik sa kanang pigi at isa naman ay may tattoo na BCJ sa kanang pigi din.

Batay sa ulat, bago naganap ang shootout dakong alas-11:00 ng gabi sa kahabaan ng BMA St., Barangay Tatalon ay sumakay ang tatlong suspek sa isang pampasaherong jeep (TWK-499) na minamaneho ni Randy Ricapalaza na tinatahak ang Quezon Avenue patungong Project 8.

Habang tinatahak ang lugar ay biglang nagdeklara ng holdap ang mga suspek at pinagtutukan ng baril ang mga pasahero at  kinuha ang kanilang mga dalang  gamit.

Tiyempo namang nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang police mobile car sa lugar naispatan ang komosyon sa loob ng jeep.

Nang bumaba ang mga suspek partikular sa may panulukan ng Banawe Avenue ay sinundan sila ng otoridad at pagsapit sa BMA St.,ay tinangkang lumapit ang mga pulis at pinakiusapang sumuko ang mga suspek.

Pero sa halip na sumunod ay pinagbabaril ng mga suspek ang mga otoridad na gumanti ng putok at makalipas ang ilang minutong ay natagpuang patay  ang dalawa habang nakatakas ang isa.

Show comments