8 bandido, patay sa engkwentro

MANILA, Philippines -Napatay ng mga tropa ng militar ang walong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) rouge elements   habang marami pa ang  mga nasugatan sa isang sagupaan sa Cotabato –Isulan highway sa bayan ng Guindulungan, Maguindanao nitong Martes.

Sinabi ni Col. Dickson Hermoso, Spokesman ng Army’s 6th Infantry Division (ID), bandang alas-5:00 ng umaga nang sumalakay ang BIFF rebels na namaril ng oil tanker sa nasabing lugar bukod pa sa nangha-harass rin sa mga dumaraang sasakyan  sa lugar  matapos na okupahin ang nasabing highway na nagkokonekta sa General Santos City at Cotabato.

Agad namang nagresponde ang tropa ng Army’s 45th Infantry Battalion (IB) sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Donald Homitan at sinagupa ang BIFF rouge elements.

Ang insidente ay nagbunsod para pansamantalang isara ang bahagi ng national highway ng Cotabato  habang daang residente naman ang nagsilikas sa takot na maipit sa bakbakan.

Nagkaroon ng ilang oras na sagupaan sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ng BIFF kung saan ayon sa opisyal bandang alas-12:00 ng tanghali kahapon ay naitaboy na rin sa national highway ang mga omukupang rebelde at  walong BIFF ang nasawi at hindi pa mabilang ang sugatang nagsitakas  at nakarekober rin ang tropa ng mga sundalo ng isang M653 rifle.

Show comments