BOC ‘padrino system’ sisiyasatin ng Senado

MANILA, Philippines -Naghain ng resolution no. 124 si Senator Francis “Chiz” Escudero at iginiit nito na imbestigahan ng blue ribbon, ways and means, finances committees ang napaulat na “padrino system” sa Bureau of Customs (BoC).

Ayon kay Escudero na hindi dapat balewalain ang sinasabing ‘padrino system’ dahil naapek­tuhan nito ang buong ahensiya at mismong si Customs Commissioner Ruffy Biazon ang mismong umamin sa isang panayam na napakahirap buwagin ang ‘padrino system’ dahil nakaugat na ito hindi lamang sa loob kundi maging sa labas ng sistema ng BOC.

Maging si Deputy, Commissioner for Intelligence Danilo Lim ay umamin rin umano ng tungkol sa “powerful forces” na nakikialam sa operasyon ng BoC.

Samantala, nilinaw ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na  hindi bahagi ng ‘reform plan’ ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III  ang balasahan ng mga BoC district collectors at ito anya ay sariling desisyon at bahagi ng responsibilidad ni Commissioner Ruffy Biazon.

Itinanggi rin ni Lacierda ang balitang ipapalit kay Biazon ay si BIR Commissioner Kim Henares na malabong mangyari dahil bago pa lang sa puwesto at kailangan pa ng sapat na panahon para ipatupad ang kinakailangang reporma ni Biazon.

Show comments