Pusher todas sa shootout

MANILA, Philippine s- Todas ang isang hinihinalang bigtime drug pusher habang dalawang pulis ang sugatan sa shootout na naganap sa isinagawang drug operation ng mga awtoridad sa Bacoor City, Cavite, kamakalawa ng hapon.

Ang napatay na suspek ay kinilalang si John Francis Almedra Hernale alias ‘Jhon-Jhon’, 26, nakatira sa  #138-E Brgy. Maliksi 3, Bacoor City.

Ang dalawang pulis na nasugatan na ngayon ay ginagamot sa isang hospital ay sina PO2 Aries Gle Lachica at PO1 Jorex Cuag Gutilban na kapwa miyembro ng Police Intelligence Branch ( PIB), sa Cavite Provincial Police Office sa Camp Pantaleon Garcia Imus Cavite.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Romar Sinnung may hawak ng kaso, dakong alas-1:45 ng hapon ng maganap ang shootout.

Sinasabing nagsasagawa ng Anti Illegal Drugs Operation ang grupo ng PIB Cavite at Bacoor PNP sa Brgy Maliksi 3 sa lungsod makaraang magpositibo ang isinagawang surveillance operation laban sa suspek.

Ayon sa report, nang makita umano ng suspek ang mga pulis na papalapit sa kanya ay agad itong bumunot ng baril at pinagbabaril ang mga awtoridad kung saan ay tinamaan at natumba ang dalawa.

Gumanti naman ng putok ang ibang tauhan ng PIB na nagresulta ng pagkamatay ng suspek.

Nabawi ng pulisya sa suspek ang isang kalibre 45 baril at ilang sachet ng hinihinalang droga.

Sinabi ng mga tauhan ng PIB na matagal ng under surveillance sa kanila ang napatay na suspek dahil sa umano’y  pagiging notorious na drug pusher sa kanilang lugar.

Show comments