Party binomba… 6 patay, 37 sugatan sa restobar blast

MANILA, Philippines - Isang bomba ang pinasabog sa isang party na ikinasawi ng anim na katao at pagkasugat ng 37 iba pa naganap kamakalawa ng gabi sa isang restobar sa compound ng isang premier shopping mall sa Cagayan de Oro City.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina 1st District Misamis Oriental Provincial Board member Roldan Lagbas; Dr. Erwin Malanay at ang tatlong medical sales representatives ng Sandoz Philippines Corporation na sina Anthony Canete, Ryan Estose, Emmanuel Palafox at Antonio Paredes.

Ang 37 sugatan ay isi­nugod sa pampublikong ospital na kinabibilangan ng 17 sa Polymedic Medical Plaza sa Kauswagan; apat sa Cagayan de Oro Medical Center; 8 sa Cagayan University Medical Center at walo naman sa Northern Mindanao Medical Center.

Kabilang sa mga sugatan ay sina Sera­fin Co, Gilbert Espiritu, Divine Dingal, Sairagan Haboc, Joey Guita, Ade­cer Quizon, Romilyn Bacsarsa, Fely Egango, Lilibeth Paredes, Dante Aguinaldo, Ricky Butac, Clint Dacer, Jayjay Quijoy, Merly Tamayo na pawang taga Iligan City at iba pa. 

Ayon kay Police Regio­nal Office (PRO) 10 Di­rector P/Chief Supt. Catalino Rodriguez Jr., dakong alas-11:30 ng gabi ay tinatayang nasa 100 katao ang kustomer ng Kyla’s Bistro and Candys Café sa Rosario Arcade na nasa compound ng Limkethai Shopping Mall sa Lapasan, Cagayan de Oro City nang maganap ang pagsabog.

Sa pahayag ng ilang testigo sa mga otoridad, isang lalaki umano na naka-backpack ang pumasok sa loob ng restobar matapos ang ilang minuto ay nagmamada­ling umalis ito at iniwan ang dala nitong bag sa isang silya malapit sa entrance na punong-puno ng tao sa loob at maging sa labas nito.

Dalawang minuto ang nakakalipas ay bigla na lamang umanong sumabog ang bomba mula sa bag na inabandona ng nasabing lalaki.

Nabatid na tuwing Biyernes at Sabado ng gabi ay nagpa-party sa lugar kung saan dinarayo ito ng mga kustomer na naglilibang sa pakikinig ng banda habang ku­makain at umiinom ng alak.

Sinabi pa ng opis­yal, maraming mga doktor ang nasa lugar kaugnay ng ginaganap na convention ng Philippine College of the Chest Physicians sa lungsod.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan kung anong uri ng bomba ang ginamit sa pagpapasabog.

Show comments