MANILA, Philippines - Pinalagan ng isang commuters group na National Council for Commuters Safety and Protection (NCCSP)ang ipinatutupad na ordinansa na “partial bus ban†sa lungsod ng Maynila at integrated bus terminal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagpapahirap sa kalagayan ng mga pasahero.
Ayon kay Elvira Medina, pangulo ng NCCSP, na labag sa mandato na ipinagkaloob ng batas sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na magbigay ng prangkisa sa mga pampublikong sasakyan ang ordinansa ng lungsod ng Maynila at ipatutupad na integrated bus terminal ng MMDA.
Nagsagawa rin ng pag-aaral ang NCCSP kung saan lumalabas na 9 sa 10 commuters o mananakay ang tutol sa ipatutupad na integrated bus terminal dahil sa mas pahirap umano ito sa mga pasahero at dagdag na gastusin sa pamasahe dahil sa palipat-lipat na pagsakay.
Nakatakda ng ipatupad ng MMDA sa darating na Agosto 6 ang interim integrated bus terminal sa Coastal Mall sa Parañaque City kung saan hanggang dito na lamang tutuloy ang mga provincial bus na magmumula sa Cavite at Batangas.
Iginiit ni Medina na kaawa-awa ang mga commuters lalo na ang mga estudyante na pinagkakasya lamang ang mga allowances, ordinaryong manggagawa at maging ng mga maliliit na negosyante sa oras na maisakatuparan na ang operasyon ng mga bus terminal. - Danilo Garcia, Angie dela Cruz-