Ex-mayor na may kasong murder binasahan ng sakdal habang nakahiga sa ambulansiya

MANILA, Philippines -Sa loob ng ambulansiya na nakaparada sa garahe ng Manila City Hall binasahan ng sakdal dahil sa kasong multiple murder ang dating Gapan City, Nueva Ecija Mayor Ernesto Natividad kahapon ng umaga.

“Not guilty plea” ang inihayag ni Natividad nang ito ay basahan ng sakdal ng Branch 10, Manila Regional Trial Court.

Binigyan ng konsiderasyon ng korte ang kondis­yon ni Natividad  na kasalukuyang may karamdaman at hindi nito kayang panhikin ang hagdanan patungo sa Manila RTC Branch 10 kaya si Judge Virgilio Alameda na lamang ang bumaba na hirap na rin sa paglakad dahil sa tinamong pilay sa paa makaraang maaksidente.

Nakahiga sa stretcher sa loob ng ambulansiya si Natividad nang isagawa ang arraigment.

Hiniling din nito na pa­yagan siyang mailipat ng ibang ospital mula sa Philippine General Hospital kung saan siya ngayon naka-con­fine.

Si Natividad ang itinuturong utak ng pagpatay sa limang magkakamag-anak ng kanyang kalaban sa pulitika sa  loob ng isang  sabungan noong taong 2006.

 Muling itinakda ng korte ang pagdinig sa Oktubre 7 ng taong kasalukuyan.

Show comments