Marinduque Rep. Reyes may imbitasyon sa SONA

MANILA, Philippines - Kung si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, miyembro ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ang kukunan ng opinyon kung sino kina Regina Reyes na unang naproklama bilang nanalong Marinduque Representatives o si dating Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na iprinoklama naman ng Commission on Elections bilang nanalong kinatawan para dumalo sa State of the Nation Address ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa Lunes.

Anya mas matimbang para sa kanya si Reyes dahil ito na ang kinikilala ng Kamara bilang Representative ng Marinduque at nanumpa na kay House Speaker Feliciano Belmonte.

Sinabi naman ni Atty. Marilyn Yap, secre­tary general ng House of Rep­resentatives, ang pro­se­so ay pagkatapos na ma­i­proklama ang isang kongresista ay magsusumite ito sa kanila ng certificate of proclamation na hanggang sa kasalukuyan ay  wala pa naman silang natatanggap na kopya mula sa kampo ni Velasco.

Nabatid din na hindi pa nila pinapadalhan ng imbitasyon si Velasco para sa SONA dahil wala pa naman ito sa kanilang lis­tahan at sa halip ay si Reyes, na nanalo sa botohan ang pinadalhan nila ng imbitasyon dahil sa ito  ang nanalo sa nakuhang mahigit lamang na 3,000 boto laban kay Velasco.

Matatandaan na nagkakaroon ng kalituhan kung sino ang dapat na maupong kinatawan ng Marinduque dahil una ng iprinoklama bilang kongresista ng lalawigan si Reyes na binawi ng poll body ang proklamasyon dahil sa pagiging American citizen umano nito na mariing itinatanggi ng lady solon.

Ayon kay Reyes, kum­pleto ang ebidensi­ya niya na siya ay isang Filipino natural born citizen at kung nakakuha man siya ng ibang citizenship, nairenunsiyo na niya ito bago pa man siya nag-file ng kanyang kandidatura.

Gayunman, nagbigay na ng pahayag ang liderato ng Kamara na hindi dapat ang Comelec ang magdesisyon sa kaso dahil nasa hurisdiksyon na ito ng HRET.

 

Show comments