Drug pusher hinabol, pinatay

MANILA, Philippines - Hinabol ng mga suspek na nakamotorsiklo ang isang lalaki na umano ay drug pusher at nang maabutan ay pinagbabaril ito hanggang sa mamatay na naganap kahapon ng madaling-araw sa Brgy.Pinagbuhatan, Pasig City.

Ang nasawi na nagtamo ng maraming tama ng bala sa likod ay kinila­lang si Rodel Rejano, nasa hustong gulang, walang permanenteng tirahan.

Sa ulat, alas-12:15 ng madaling-araw ay nakita ang biktima na tumatakbo sa eskinita ng Kenneth Road patungo sa isang gi­nagawang bahay dahil sa hinahabol ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo na walang plaka.

Nagawa umano ng biktima na magtago sa loob ng naturang ginagawang bahay ngunit sinundan ito ng mga suspek at doon pinagbabaril.

Nang matiyak na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas patungo sa C-6 Road ang mga suspek, na hinihinalang mga miyem­bro ng drug syndicate at target na ng manhunt operation.

Iniimbestigahan ng mga otoridad ang ulat na posibleng may kinalaman sa pumalpak na drug deal ang dahilan nang pagpatay sa biktima ng mga hinihinalang miyembro ng isang drug syndicate sa lungsod.

 

 

Show comments