MANILA, Philippines - Prayoridad ng Department of Education (DepEd) sa hiring ang mga government science scholars sakaling mag-aplay ang mga ito ng teaching job sa mga public secondary schools sa bansa.
Sa memorandum na inilabas ng DepEd kaugnay ng pagtanggap ng mga bagong guro sa Mathematics at Science-related subjects sa mga pampublikong high school ay nais ni Education Sec. Armin Luistro na magmumula sa Science Scholar ang kukunin nilang bagong guro.
Sa DepEd memo 114 Series of 2013 para sa mga regional director, prayoridad na i-hire para maÂging guro sa sekondarya ang mga nagsipagtapos sa Department of Science and Technology (DOST) Science Education Institute Scholarship Program.
Ayon kay Sec. Luistro, ang mga iskolar ng DOST Science Education Institute ay lumagda sa kasunduan na kapag nagtapos sila sa kurso ay obligadong magturo sa public high school kung saang rehiyon sila nagmula.
Katumbas aniya ito ng taong kanilang pinakinabangan mula sa scholarship program ng pamahalaan.
Nilinaw naman ng kalihim na kailangan pa ring pumasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) ang mga nagtapos na science scholars para mabigyan sila ng permanenteng posisyon sa kagawaran.