MANILA, Philippines -Sugatan ang 11 katao, pito sa kanila ang malubhang ginagamot ngayon sa Philippine General Hospital (PGH) matapos na sumabog ang sirang tangke ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa Paco, Maynila noong Linggo.
Kinukuwestiyon ng Manila Police District-Explosive and Ordnance Division (MPD-EOD) kung bakit hindi man lamang inireport ng barangay sa Manila Fire o MPD ang insidente na naganap dakong alas-11:00 ng umaga noong Hunyo 7, na nakunan pa ng closed circuit television ng Barangay 662 Zone 71.
Sinabi ng EOD na dapat inireport ang nasabing insidente lalo’t tatlong bahay ang nawasak at marami ang nasugatan. Pinaka-kritikal umano ang mismong may-ari ng bahay na siyang nagkukumpuni ng sirang tangke ng LPG na si Rey Garcia, habang ang anak na 5-taong gulang naman ay nabagsakan ng gumuhong pader habang naglalaro.
Kabilang sa mga sugatan sina Clarinda Garcia, Antonio Labung, Jayson, Lani at Gerald Labung.
Dahil sa lakas ng pagsabog, nawasak ang bubong ng bahay ng mga Garcia habang nabasag pa ang salamin sa bintana at nadamay din sa nasira ang kisame at pinto ng ilang kapitbahay.