Pamilya tinawagan na kunin ang bangkay sa punerarya… Maid dedo sa gulpi ng amo

MANILA, Philippines - Isang 17-anyos na dalagitang katulong ang nasawi sa gulpi ng kanyang among babae ayon sa ulat ng pulisya ng Mandaluyong City.

Kaya’t naman ay nagtungo ang pamilya ng biktimang si Rochelle Lopez, tubong Daet, Camarines Sur at nagsampa ng kaso sa amo nitong si Maria Shiela Gomez, ng F1-California  Garden Square, Brgy. Highway Hills, ng nasabing lungsod.

Kahapon ay kinuha na ng ina ang bangkay ng anak sa Quiogue Funeral Homes.

Sa ulat ng Mandaluyong Police-Women’s and Childrens Protection Desk, dumulog kahapon ang mga magulang ng biktima na sina Renato at Jocelyn Lopez, kasama ang mga tauhan ng Basud, Camarines Norte Police at humingi ng tulong upang matunton ang anak na si Rochelle na hinihinalang napaslang ng amo.

Ayon sa inang si Jo­celyn, tumawag umano sa kanila ang amo ng kanyang anak na si Gomez kamakalawa at sinabing puntahan ito sa ospital dahil sa nawalan ng malay at dumudugo ang ilong. 

Muli umano itong tumawag at sinabing kunin na lamang sa morgue ang bangkay ng biktima.

Sa tulong ng Mandaluyong Police, natunton ang bangkay ni Rochelle sa naturang punerarya at nang isailalim sa otopsiya ay lumabas sa resulta na nasawi ang biktima sa matinding pinsala sa ulo dulot ng paulit-ulit na pag-untog o pagpukpok ng matigas na bagay.

Nabatid na minsan na rin umanong nagsumbong ang biktima sa kanyang mga kaanak sa pamamagitan ng cellular phone na pinagmamalupitan siya ng amo at ginugulpi kaya nais na nitong umuwi sa kanilang probinsya ngayong Hul­yo.

Show comments