6 buwang buntis timbog sa pagdekwat ng mga palaman

MANILA, Philippines -Natakam umano sa mga palaman ang naging katuwiran ng isang ginang na 6 buwang buntis kung kaya’t nagawa niyang dekwatin ito sa Puregold Supermarket kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.

Ang suspek na kinasuhan ng pagnanakaw at nakakulong na ay kinila­lang si Paula Mae Anod,
22, ng Block 13, Lot 15, Hamilton Homes Subdivision, Imus City, Cavite.

Batay sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi nang
mapansin ng security guard na nakasibilyan na si Janet Deris na kinuha ng suspek ang mga palaman tulad ng isang Eden cheese 175grms.(P40.40); isang Nutella  375grms.(P268); at isang Lily’s Peanut Butter 504grms.(P142) at ilagay sa kanyang
kulay brown na shoulder bag at mabilis siyang lu­ma­bas ng hindi nagba­bayad.

Nang sitahin ay wala itong maipakitang resibo para sa mga palaman kaya’t kaagad itong ina­resto.

Umaasa naman si Anod na hindi siya sa bi­lang­guan aabutin ng kan­yang panganganak.

Show comments