MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 30-taong gulang na konduktor makaraang barilin sa ulo ng isa sa dalawang holdaper nang ipagtanggol nito ang kanyang nobya habang sila ay hinoholdap sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Salvador Ocampo, konduktor ng bus at stay-in sa terminal ng pinapasukang Raymond Transport na matatagpuan sa panulukan ng Sta.Teresa at Legarda Sts. Sampaloc, Maynila nang barilin sa ulo ng dalawang hindi pa nakikilalang holdaper.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:40 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Alcantara at Lacson Sts. Sampaloc, Maynila.
Sinasabing kalalabas pa lamang ng Apitong Apartelle ng biktima at nobya nito nang sundan sila ng mga suspek at holdapin.
Unang tinutukan ng baril ang nobya ng biktima na si Erica Carabio, 18, residente ng San Pablo, Laguna at kunin ang shoulder bag nito na may lamang dalawang pirasong damit at wallet na may lamang P200.
Habang inaagaw umano ng mga suspek ang bag ng dalaga ay pumalag ang biktima at nanlaban ito kaya siya binaril sa ulo at agad bumulagta. Matapos ang kridmen ay mabilis na tumakas ang dalawang holdaper.
Sinabi ni Erica, bago maganap ang insidente ay sinabihan umano siya ng kanyang nobyo na mahal na mahal siya at handang ipagtanggol sa sino mang nais na mang-api at umagrabiyado sa kanya.
Ayon kay Erica, marahil ay nais patunayan ni Salvador ang sinabi sa kanya na ipagtatanggol siya nito hanggang sa oras ng kamatayan.
Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang mga tauhan ng MPD upang madakip ang dalawang holdpaer na pumatay sa biktima.