P30M pekeng produkto winasak

MANILA, Philippines - Tinatayang mahigit sa P30 milyon  halaga ng mga pekeng produkto na nasamsam ng  iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno kaugnay ng pinalakas na crackdown operations laban sa counterfeit at pirated goods ang winasak sa isinagawang ‘ceremonial destruction’ sa Camp Crame kahapon.

Sinabi ni Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) Director Ricardo Blancaflor ang nasabing halaga ay bahagi ng kabuuang nasamsam na  P35,217,820,632.09 bilyon mga pekeng pro­dukto sa loob ng limang buwang serye ng operas­yon mula Enero hanggang Mayo ng taong ito.

Sa isinagawang ‘cere­monial destruction’ sa grandstand ng Camp Crame, dinurog, giniling at pinison ng V 150 armored vehicle ang mga pekeng produkto na kinabibila­ngan ng sari-saring mga bag, sapatos, pirated CDS, shades, beauty products at sex enhancers na may tatak ng mga kilalang brands o mga imported na produkto.

Nabatid na aabot sa 790 operasyon ang isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng mga ahensya ng gobyerno  sa mga lugar ng Quiapo, Binondo, Metro Walk, 168 Mall, Makati Cinema Square, St Francis Square at Greenhills sa lungsod ng San Juan.

Ang Inter–Agency Task Force kontra mga pekeng produkto ay nasa ilalim naman ng superbis­yon ni IPOPHL Deputy Director General Allan Gepty.

 

Show comments