MANILA, Philippines - Isang barko ang lumubog na ikinasawi ng dalawang pasahero, 4 ang nawawala at 58 ang nailigtas naganap kahapon sa karagatan ng Agoha Point, Burias Island, Masbate.
Kinilala ang dalawang nasawi na sina Carlota Senga, 59, ng Baleno, Masbate at Erlinda Julditado, 59 ng Pasig City.
Batay sa ulat ni Philippine Navy Spokesman Lt. Commodore Gregory Gerald Fabic, bandang alas-5:30 ng umaga nang matanggap nila ang ulat sa paglubog ng M/V Lady of Carmel, isang roll-on-roll off (Roro) vessel sa nasabing karagatan.
Nabatid na ang barko ay umalis sa pantalan ng Pioduran, Albay pasado alas-2:00 ng madaling araw at patungong sana sa Aroroy, Masbate nang mangyari ang insidente.
Ang barko ay may lulang higit 35 pasahero at 22 tripulante, dalawang pampasaherong bus at isang six wheeler truck.
Agad nagdeploy ang Naval Southern Luzon na nakabase sa Legaspi City, Albay ng Patriot Craft (DF-321), isang team ng Navy SEALS, patrol gunboat (PN 311) at isang Islander aircraft galing Cebu para tumulong sa PCG sa search and rescue operations sa mga sakay ng nasabing roro vessel na pag-aari ng Medallion Shippine Lines.
Ang mga nasagip na pasahero at tripulante ay dinala sa Masbate Health Hospital sa bayan ng Aroroy, Masbate.
Isinasailalim pa ang sanhi ng paglubog ng roro vessel habang patuloy ang search and rescue operations sa mga nawawala pang biktima. - Joy Cantos/Doris Franche-