Smokers sa Senado binira

MANILA, Philippines - Kahit pa anya masagasaan pa ang mga kasamang Senador na mahilig manigarilyo sa kanilang opisina ay dapat itong ipatupad alang-alang sa mga empleyadong naaapektuhan  ng kanilang bisyong pani­nigarilyo.

Iginiit ni Senator Pia Cayetano na ipa­tupad ng Senado ang Anti-Smoking Law sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso, dahil sa mga empleyado ng Senado na  hindi lamang makaangal lalo pa kung isang Senador ang naninigarilyo sa loob ng kanilang tanggapan.

Maliwanag aniya ang batas laban sa paninigarilyo na ipinagbabawal sa mga tanggapan ng gobyerno lalo na sa mga gusali na air-conditioned.

Nauna ng sinabi ni Cayetano noong nakaraang linggo na may staff siyang buntis na naaapek­tuhan ng ilang naniniga­rilyo sa loob ng Senate buil­ding.

Hindi aniya basta-basta nakakalabas ang usok ng sigarilyo lalo na sa mga air-conditioned na kuwar­to kaya kahit sa ibang tang­gapan ay na­lalanghap ang usok ng sigarilyo.

Sa ilalim ng Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act of 20013, ipinagbabawal ang pagsisindi ng sigarilyo sa mga “public places” katulad ng mga enclose o confined areas na  hospitals, medical clinics, schools, public transportation terminals, mga pampubliko at pribadong gusali, elevators, ci­nemas, malls at mga lugar na delikado sa sunog.

Bawal din ang panini­garilyo sa mga recreational facilities para sa mga bata.

Naniniwala si Cayeta­no na ang mga senador ang  dapat maging halimbawa sa pagsunod sa batas.

Kabilang sa mga kila­lang senador na hindi ma­tigil sa paninigarilyo ay si Senator Francis “Chiz” Escudero.

Show comments