Binata pisak sa truck

MANILA, Philippines - Isang construction worker ang nasawi makaraang masagasaan at mapisak ng isang 10-wheeler truck na puno ng buhangin habang papatawid ng kalsada pauwi sa kanilang tahanan sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Joel Abacial, 44, binata, at residente ng 8362 Kaunlaran Village, Pasig City, bunsod nang pagkadurog ng bungo nito dahil sa aksidente.

Samantala, arestado naman at nakakulong na ang driver ng 10-wheeler truck na si Jose Manglangit, 47, naninirahan sa Porac, Pampanga.

Si Manglangit ay nahaharap na sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Batay sa ulat ng pulisya, nabatid na dakong alas-11:45 ng gabi kamakalawa nang maganap ang aksidente habang tumatawid ang biktima sa kalsada ng Elisco Road, kanto ng Vicitacion St., Barangay San Joaquin, Pasig City, pauwi sa kanilang tahanan.

Sinabi ni Maria Ortega-Cator, tiyahin ng biktima, galing ang kanyang pamangkin sa trabaho sa isang construction site sa Makati City.

Ginabi umano ito ng uwi dahil suweldo nila at nagla­lakad na ito pauwi nang maganap ang aksidente.

Show comments