Hepe ng pulisya sa Romblon, inutas

MANILA, Philippines - Utas ang chief of police ng San Andres, Romblon matapos barilin ng kapwa niya bisita sa isang birthday party kamakala­wa ng gabi.

Ayon kay provincial Director Police Senior Supt. Danilo Abadiano, ang nasawi ay kinilalang si Police Insp. Noel Aparcio, 45 hepe ng nasabing bayan.

Si Aparcio ay agad na nasawi makaraan barilin sa ulo ng suspek na nakilalang si Giron Gan habang dumadalo sa isang birthday party sa Barangay Calunacon, ganap na alas-6:00 ng gabi.

Ayon kay Abadiano, si Gan ay security guard sa isang pribadong ospital sa nasabing bayan ay agad namang sumuko sa awtoridad ganap na alas-6:00 ng umaga kahapon.

Nabatid na si Aparcio ay inimbitahan ng isang kaibigan sa birthday party sa Barangay Calunacon na dumating ganap na alas-4:30 ng hapon at nakitang nakikipag-usap kay Gan.

Ilang sandali ay umalis umano si Gan at sa pagbalik nito makalipas ang dalawang oras ay walang sabi-sabi niyang binaril ang biktima saka tumakas.

Inaalam pa ng awtoridad kung ano ang motibo ng suspek sa pamamaril sa biktima habang inihahanda ang kasong murder na isasampa laban sa kanya.

Show comments