MANILA, Philippines - Nagsampa ng reklamo ang magulang ng isang 14-anyos na binatilyo laban sa isang barangay chairman at tatlo pang opisyal na nanggulpi sa binatilyo kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Inireklamo sa pulisya ang suspek na si Brgy. 565 Zone 55 Chairman Jinggo Severino matapos umanong sapakin na naging dahilan ng pamamaga ng biktima na si Ernesto Nacion, grade 6 pupil ng Santiago St., Sampaloc, Maynila.
Bukod kay Severino na sinampahan ng kasong anti-child abuse at physical injuries ay kasama rin sa inireklamo ang tatlong pang opisyal nito.
Sa salaysay ng biktima sa Women’s desk, alas-3:00 ng madaling-araw nang maganap ang pananakit sa kanya ni Severino sa Norma St., malapit sa kanto ng Visayan Sts., sa Sampaloc.
Kasalukuyang nakikipagsayawan ang biktima nang magkaroon ng rambol at naging dahilan ng kanyang pag-iwas upang hindi madamay.
Nagulat na lamang umano siya nang damputin siya ng tatlong opisyal ng barangay, dinala siya sa bahay ni Severino kung saan siya ay tinadyakan pa sa dibdib.
Sa loob aniya ng bahay ni Severino ay pinagtuluÂngan siyang saktan ng mga nasabing suspek. Inumbag umano siya sa mukha kaya nawalan din siya ng malay at nang magising na ay agad siyang pinauwi ng mga opisyal ng barangay.