MANILA, Philippines - Kabuuang 12 katao ang nasawi na kinabibilangan ng 7 tauhan ng Philippine Marines at 5 sa Abu Sayyaf Group (ASG) habang 19 pa ang nasugatan kabilang ang siyam na sundalo matapos na makabakbakan ng tropa ng pamahalaan ang grupo ng mga bandidong kidnappers sa bayan ng Patikul, Sulu nitong Sabado ng umaga.
Sinabi ni Task Force Sulu Commander Col. Jose Joriel Cenabre, bandang alas-6:30 ng umaga ng makasagupa ng mga elemento ng Force Reconnaissance Company ng Philippine Marines ang hindi pa madeterminang bilang ng mga bandido sa liblib na bahagi ng Brgy. Tugas, Patikul.
Ayon kay Cenabre, ang engkuwentro ay resulta ng hot pursuit operations laban sa mga kidnappers ng midwife na si Casilda Villarasa, misis ng Marine Sergeant na binihag ng mga bandido sa Jolo, Sulu noong Mayo 18.
Aniya, habang ginagalugad ng mga sundalo ang kagubatan upang hanapin ang binihag na midwife nang paulanan ng bala ng mga bandidong ASG na nauwi sa mainitang bakbakan.
Sa kasagsagan ng putukan ay nasawi ang pitong miyembro ng Philippine Marines.
Ang mga napatay na Marines ay sina 2nd Lt. Alfredo Lorin, PFCs Rene Gare, Andres Bogwana, Jayson Durante, Andres Alasian, Roxas Pizarro at Dominador Sabijon Jr..
Sa panig ng mga bandido, sinabi ni Cenabre na kabilang sa limang nasawi ay ang Sub-leader na si Salip Uddin, isang alyas Ambotong Kausar SawadÂjaan, isang Commander Apong Idol at dalawa nilang tauhan.
Inihayag ng opisyal na tinataya ring sampu sa mga bandido ang nasugatan na tinangay ng mga nagsitakas ng mga itong kasamahan.