MANILA, Philippines - Patay ang tatlong sundalo habang isa ang nasugatan nang pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isang ambush kahapon ng umaga sa Sitio Sta. Lucia, Brgy.Maninila, Camalig, Albay.
Batay sa ulat, bandang alas-8:30 ng umaga ay nagsasagawa ng foot patrol ang 9 sundalo ng Army’s 2nd Infantry Battalion (IB) nang sumambulat ang landmine na itinanim ng mga rebeldeng NPA.
Kasunod nito ay pinaulanan ng bala ng mga rebelde ang mga sundalo na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo sa tropa ng pamahalaan na hindi muna tinukoy ang mga pangalan habang isa ang nasugatan.
Nabatid na ipinadala ang mga sundalo sa lugar matapos na makatanggap ng intelligence report na aatake ang mga rebelde na magsasagawa ng panununog sa itinatayong international airport sa Albay.
Nagawa ring matangay ng mga rebelde ang isang K3 squad automatic weapon at dalawang M16 rifle ng mga sundalo. Nabatid na ang nasabing international airport ay inaasahang makukumpleto sa 2016 na target ng pangha-harass ng mga rebelde.