MANILA, Philippines - Anim na miyembro ng Abu Sayyaf Group at dalawang sundalo na kinabibilangan ng isang opisyal ng Army ang nasawi sa naganap na sagupaan kamakalawa ng hapon sa bayan ng Al Barka, Basilan.
Kinilala ang nasawing mga sundalo na sina Army Major Alin Kannung, Executve Officer ng Army’s 32nd Infantry Battalion (IB) at Technical Sergeant Ferdinand Costan. Tatlo rin sa mga sundalo ang nasugatan na ilipad ng helicopter patungong Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City.
Sa panig na kalaban kinilala ang dalawang nasawi na sina Mardan Sapili at isang alyas Mingkong matapos marekober ang bangkay sa encounter site habang may intelligence report na apat pang bangkay ng mga bandido ang tinangay ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
Batay sa ulat ni Army’s 104th Infantry Brigade Col. Carlito Galvez, bago naganap ang sagupaan bandang alas-3:00 ng hapon sa Sitio Pagtawanan,Tipo-Tipo ng lalawigan ay galing ang tropa ng Army’s 18th IB sa pamumuno ni Lt.Col. CJ Paolo Perez at Kannung sa Brgy.Ungkaya Pukan patungo sa Brgy. Bohe Piyang; pawang sa bayan ng Al Barka para magdedeliber sana ng 20 kamÂbing at mga manok sa komunidad nang paulanan sila ng bala ng nasa 30-40 miyembro ng ASG sa pamumuno ng grupo nina Abu Sayyaf Commander Nurhasan Jamiri at Basir Kasaran.
Inihayag ng opisyal na may mga tropang Kano rin ng US Joint Special Action Force (USJSOTF) ang sumama para sa pagde-deliver ng mga alagaing hayop na ipamimigay sa komunidad dahilan bahagi ito ng proyekto ng US Agency for International Development (USAID) na nagsusulong ng proyektong pangkaunlaran sa mahihirap na komunidad.