Pinagbabaril habang nangangampanya… kandidatong mayor tinodas

MANILA, Philippines - Isang linggo bago sumapit ang halalan, isang kandidato sa pagka-alkalde  ang pinagbabaril ng hindi pa kilalang suspek habang ito ay nangangampanya sa mga residente  ng bayan ng San Jose, Tarlac kamakalawa ng hapon.

Namatay noon din ang biktimang si Rudy Abella, brgy. chairman na tumatakbo sa pagka-alkalde sa nasabing bayan sa ilalim partido ng Lakas -Christian and Muslim Democrats.

Batay sa ulat ni Tarlac Provincial Office (PPO) Director Sr. Supt. Alfred Corpuz dakong alas-5:10 ng hapon ay kasalukuyang nangangampanya  si Abella sa mga residente  sa Sitio Sta.Cruz, Brgy. Iba ng bayang ito nang biglang sumulpot ang nag-iisang lalaki at pagbabarilin ang  biktima.

Tatlo namang sa mga kasamahan ng gunman ang nagsilbing lookout sa krimen na naganap.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang anggulong pulitika sa kaso habang sinisilip din ang iba pang posibleng anggulo sa motibo ng krimen.

Show comments