MANILA, Philippines - Ipaglalaban ang pagtaas ng budget ng mga state universities tulad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa P2 bilyon.
Ito ang nilagdaang covenant ni Bangon Pilipinas lone senatorial candidate Bro. Eddie Villanueva sa pagbisita nito sa nasabing unibersidad na kung saan siya ay naging panauhing pangdangal sa Nemesio Prudente Lecture Series at kanyang tinalakay ang mga napapanahong isyu na kinakaharap ng bansa sa sector ng edukasyon.
Si Villanueva ay nagtapos ng commerce sa Philippine College of Commerce, na kalaunan ay naging PUP. Naging guro din siya dito at isa sa pinakamatagal na naupo bilang miyembro ng PUP Board of Regents.
Ayon kay Villanueva, ang sistema ng edukasyon sa bansa ay masalimuot kaya’t ang may pera lang ang may kakayahan na makapag-aral at ang mahihirap ay hindi na dahil sa mababang binibigay na budget sa mga state universities. Kaya’t kapag naupo sa Senado ay itutulak ang pagtataas ng budget.
Batay sa datos mula sa World Bank ay ipinapakita na ang Pilipinas ay hindi masyadong pinagtutuunan ng pansin ang halaga ng edukasyon dahil sa hindi pagbibigay ng malaking budget ng gobyerno na kabaligtaran sa kapitbahay na mga bansa.
Maging ang average teacher-student ratio sa mga public schools ay 1:40 gayung ang mga guro ang siyang pinakamaraming nagtatrabaho sa gobyerno.
Upang ang lahat ay makapag-aral na siyang daan para sa pag-unlad ng isang bansa ay ipanunukala ni Villanueva ang libreng college education sa mga karapatdapat na mag-aaral upang ang mga technological colleges ay makalikha ng top-caliber graduates sa IT at agriculture.