Ex-Gov. Roman may kaso sa Ombudsman

MANILA, Philippines -Hinamon kahapon ng isang multi-sectoral non-government organization si dating Bataan Gov. Ding Roman na ipaliwa­nag muna ang limang isyu noong kaniyang panunungkulan na kinapapalooban ng P350-milyon bago niya ipagpatuloy ang kaniyang  pagtakbo bilang kongresista ng ikalawang distrito ng lalawigan.

Sinabi ng Bataan Laban sa Katiwalian (BALAK) na  pangunahin sa mga isyu ay ang umano’y P250-milyon plunder case na kinakaharap ni Roman sa  Office of the Ombudsman.

Ayon sa BALAK pina­yagan ni Roman na mag-loan ang lalawigan ng P250 milyon mula sa Pag-IBIG Fund para sa isang housing project sa Penin­sula Heights sa  Samal.

Ngunit hindi natapos ang housing project at ang mga natapos na units ay natuklasan umanong structurally defective. Habang ang iba ay hindi na magawa pa at wala uma­nong makitang records kung saan napunta o paano ginastos ang P250 milyon.

Pinuna rin ng BALAK ang napabalitang P100 milyon na ipinalabas para sa rehabilitation ng Bataan Transport Mall na hindi naman natuloy.    

Nabatid din may iba pang napabalitang pondo na inilabas noong pana­hon ni Roman ay P253,000  para sa Palili Elementary School; P 212,000 para sa Samal Plaza at P3.3 milyon para sa isang amphitheater sa Bataan State College sa  Abucay.

Idinagdag pa ng BA­LAK na nais lamang nila ang katotohanan upang masiguro na ang nararapat na kandidato lamang ang dapat mahalal para magsilbi sa sambayanan.

Show comments