Adamson stude kinalasan ng nobya sa text, nag-suicide

MANILA, Philippines -Hindi nakayanan ng isang 17-anyos na estudyante ng Adamson University ang labis na kalungkutan matapos na kalasan ng nobya sa text kaya’t nagbaril ito sa sarili sa harap ng kanyang mga kaibigan kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Ang biktima na namatay noon din ay nakila­lang si Erwin Mariano, 17, residente ng Brgy.Tatalon, at isang track and field athlete ng Adamson University.

Batay sa ulat, bago na­ganap ang pagpapakamatay ng biktima dakong alas-6:45 ng gabi sa loob ng bahay ng pinsan kung saan siya nakatira ay naikuwento nito ang pakikipag­kalas sa kanya ng nobya na nakilalang si May Anne nang ito ay magpadala ng text message na tinatapos ang kanilang relasyon.

Habang ipinagtatapat ni Mariano sa kanyang mga kaibigan ang problema ay bigla nitong kinuha ang kalibre 38 baril sa  kanyang backpack.

Itinututok nito ang baril sa kanyang bibig at ki­nalabit pero hindi ito pumutok at pagkatapos ay inilagay ang baril sa ilalim ng kanyang baba at pagkalabit ay pumutok ito na tumagos sa kanyang ulo.

Lumalabas sa imbes­tigasyon na pinagalitan si May Anne ng kanyang magulang kaya’t nagsabi ito sa biktima na itanan na lang siya.

Subalit, nang sabihin ng biktima sa magulang ang pagtira ng nobya sa kanila  ay hindi pumayag na ikinagalit ni May Anne at umuwi ito.

Kaya’t nagpadala ito ng text message sa biktima na tinatapos na ang kanilang relasyon.

Show comments