Bahay ng mayoral bet grinanada

MANILA, Philippine s- Tinira ng M203 grenade launcher ang bahay ng isang alkalde na tumatakbo muli sa posisyon sa ilalim ng partido ng United Nationalist Alliance (UNA) kamakalawa ng gabi sa bayan ng Manapla, Negros Occidental.

Sa ulat ni Police Regio­nal Office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. bandang alas-10:40 ng gabi nang puntiryahin ang bahay ni Manapla Mayor Lourdes Socorro Escalante na matatagpuan sa Hacienda Lourdes, Brgy. Punta Mesa ng M203 grenade launcher.

Wala namang nasugatan at nasawi sa insidente, pero nawasak ang konkretong dingding sa may kusina sa bahay ng mayora.

Sa isinagawang inisyal na imbestigasyon  ng Manapla Police sa pamumuno ni Inspector Julius Caesar Colado, Officer in Charge ng nasabing himpilan may dalawang hukay din na na­diskubre sa palayan na may 60 metro ang layo sa bahay ni Escalante.

Sa pahayag sa mga oto­ridad ni Manuel Esca­lante, dating alkalde at mis­ter ni Lourdes, kasaluku­yang abala sa ilang oras na pakiki­pagpulong sa kaniyang mga department heads para sa pagtakbo muli ng kaniyang maybahay nang marinig ang sunud-sunod na pagsabog ng M203.

Posibleng sa kabilang bukirin sa may tabing ilog may ilang metro ang layo sa bahay ni Mayor Escalante pumuwesto ang mga suspek na hindi natukoy ang bilang dahilan madilim sa lugar.

Malaki ang hinala ng pulisya na may kaugnayan sa mainit na labanan sa puli­tika sa nasabing bayan ang insidente.

 

Show comments