MANILA, Philippines - Pinatalsik ng Ombudsman sa serbisyo si Consul-General Ma. Lourdes Ramiro-Lopez dahil sa paggawa ng maling entries ng kanyang personal data sheets (PDS) para sa taong 1971 at 2005. Sa 11-pahinang desisyon na nilagdaan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, nakasaad na si Lopez ay liable sa kasong administratibo dahil sa Dishonesty, Falsification of Official Document, Misconduct and Conduct Prejudicial to the Interest of the Service kayat tinanggal sa serbisyo. Kinansela na rin ang civil service eligibility ni Lopez, walang makukuhang retirement benefits at hindi na maaaring mabigyan o humawak ng ano mang puwesto sa gobyerno. Si Lopez ay nagsimulang magtrabaho sa DFA bilang isang Foreign Service Staff Employee, naging DFA Assistant Secretary at itinalaga bilang Consul-General sa Osaka, Japan.