MANILA, Philippines - Isang 21-anyos na Koreana na kinilalang si Kim Jieun ang langung-lango pa sa alak nang dalhin ng isang taxi driver kahapon ng umaga sa General Assignment Investigation Section ng Manila Police District matapos umanong mabiktima ng Ativan gang.
Sa imbestigasyon, bago nangyari ang pagbiktima sa Koreana dakong alas-12:00 ng hatinggabi ay dalawa umanong lalaki at dalawang babae ang nakipagkilala sa biktima malapit sa BP International Hotel sa Ermita, Maynila kung saan siya naka-check-in.
Niyaya ang biktima ng mga bagong kakilaÂlang ‘kaibigan’ ng inuman at ang mga sumunod na pangyayari ay hindi na umano niya matandaan.
Ayon naman tsuper ng taxi na nagdala sa biktima sa MPD, sumakay sa kanya ang Koreana mag-aala-una ng madaling-araw matapos humingi ng tulong sa kanya nang madiskubreng nawawala na sa kanyang bag ang digital camera, cell phone at pera na nagkakahalaga ng mahigit P480,000.
Hinala ng pulis, mga miyembro ng Ativan Gang ang dumale sa biktima dahil sa istilo ng modus.
Dumating lamang sa Pilipinas noong Miyerkules bilang turista si Kim at nakatakda ring umalis ngayong araw, Biyernes, pabalik ng Korea.