MANILA, Philippines - Hindi makalalabas ng bansa ang may-ari ng Globe Asiatique na si Delfin Lee matapos magpalabas ng hold departure order ang korte.
Ayon kay Department of Justice (DoJ) Prosecutor General Claro Arellano, ang nagpalabas ng HDO laban kay Lee at apat na iba pang sangkot sa kasong syndicated estafa na walang piyansa ay si Judge Amifaith Fider-Reyes ng Pampanga Regional Trial Court Branch 42 kung saan ay may kinakaharap na kaso ang grupo ni Lee.
Nabatid na ang pagpigil na makalabas ng Pilipinas si Lee at mga kapwa respondent ay bunsod ng housing scam na nakabimbin ngaÂyon sa naturang hukuman.
Maliban kay Lee, kasama rin sa HDO ang kanyang anak na si Dexter at mga opisyal ng Globe Asiatique na sina Christina Sagun at Cristina Salagan, at ang opisÂyal ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund na si Alex Alvarez.
Sa pagpapalabas ng HDO, sinabi ng korte na binigyan nang bigat ang public interest at public welfare na sangkot sa kaso ng Globe Asiatique kaysa sa constitutional right to travel ng mga akusado.