Lalaki nagbayad ng pekeng pera tiklo sa Caloocan

MANILA, Philippines - Nagbigay ng babala si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa mga residente ng lungsod laban sa nagpapakalat ng pekeng pera matapos isang lalaki ang naaresto dahil sa pagbili gamit ang pinekeng salapi.

Ang suspek ay kinila­lang si Richard Santos, 40-anyos at residente ng Sta. Cruz, Maynila matapos itong bumili sa tindahan ng kapangalan ng artistang si Maricel Soriano, 30 ng J. Teodoro St., 5th Avenue, Caloocan City.

Base sa ulat na isinumite ni Sr. Supt. Rimas Calixto, hepe ng Caloocan City Police sa tanggapan ni Echiverri, dakong alas-5:30 ng hapon noong April 2 ng kasalukuyang taon nang maaresto ang suspek nang bumili ito ng isang kaha ng sigarilyo sa tindahan na pag-aari ni Soriano.

 Sa pahayag ng bik­tima, ipinangbayad umano ng suspek ang P500 bilang bayad sa binili nitong isang kahang sigarilyo bago mabilis na umalis ngunit nang siya­satin ito ni Soriano ay napansin nito ang control number ng pera na magkakasunod.

Agad na naghinala ang biktima kaya’t mabilis itong lumabas ng tindahan upang habulin ang suspek ngunit mabilis itong tumak­bo kaya’t nagsisigaw si Soriano na nakatawag naman ng pansin sa mga residente na tumulong upang maaresto si Santos.

Ayon kay Echiverri, posibleng samantalahin ng mga sindikato na nagpapakalat ng pekeng pera ang panahon ng election campaign upang makapang-biktima partikular na sa mga maliliit na tindahan.

 

Show comments