Tandem dedo sa pagsalpok sa bus

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo makaraang sumalpok sila sa isang pampasaherong bus na nagbababa ng pasahero sa isang lugar sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon ng mada­ling-araw.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Ma­merto Balgos IV, 19; at Christopher Villablance, 20; pawang residente sa Bituan Compound, Brgy. Commonwealth sa lungsod.

Batay sa ulat, alas-12:00 ng madaling-araw ay sakay ang dalawang biktima ng motorsiklo (3200-QB) na pawang walang suot na helmet at mabilis na binabaybay ang kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Bumibiyahe rin sa mga oras  na iyon ang Precious Grace transport (TXK-468) na minamaneho ng isang Ruben Bolanos, 49, ng Palmera Homes San Jose Del Monte. Bulacan.

Pagsapit sa harap ng gusali ng Commission on Audit (COA) ay magbaba sana ng pasahero ang bus nang biglang may kuma­labog mula sa kanilang likuran.

Nang tingnan ng konduktor na si Gerald Catibog ang likuran ng bus ay nagulat na lang ito nang makita ang dalawa na napailalim sa bus at pawang mga duguan. 

Halos madurog ang unahang bahagi ng motorsiklo sa lakas ng pagkakabangga sa bus, dahilan para masawi ang mga bik­tima.

 

Show comments