Bangkay ng Koreano, isinilid sa tangke ng tubig

MANILA, Philippines - Natagpuan ang bangkay ng isang  Korean national na nakasilid sa loob ng tangke ng tubig sa Parañaque City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Sr. Supt. Andrei A. Felix, hepe ng Parañaque City Police ang biktimang si Kim Ji Hun “alias John Kim”, 38, binata, nanunuluyan sa #8V Avida Tower 5, Barangay San Dionisio ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa report, dakong alas-3:00 ng hapon nang matagpuan ng maintenance crew na si Rogelio Mercado ang bangkay ng  biktima na nasa loob ito  ng isang water depository tank ng Avida Tower 5 sa nabanggit na lugar.

Aayusin sana si Mercado ang depository tank dahil sa kakaibang lasa ng tubig nang  maamoy nito ang nakasusulasok na baho at madiskubre ang bangkay ng dayuhan na nasa loob ng naturang tangke.

Agad na ipinagbigay alam ni Mercado sa mga awtoridad ang  insidente at nakilala lamang ang biktima sa pamamagitan ng Pinay na live-in partner nito na si Normelita Taguin.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya kung sino ang mga taong responsable sa kamatayan ng dayuhan.

 

Show comments