2 ‘bolt cutter’ gang napatay

MANILA, Philippines -Dalawang lalaki na hi­ni­hinalang miyembro ng ‘bolt cutter gang ang nasawi makaraang makipag-barilan sa mga otoridad ilang minuto matapos na tangkaing pasukin ang isang bahay kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Walang nakuha na pagkakakilanlan ang dalawang suspek na inilarawan na ang edad ay nasa pagitan ng 25-30 na ang isa ay may tattoo na “Boyet A” sa kanyang likuran, habang ang isa naman ay may tattoo na “BNG” sa kanyang kanang bahagi ng likuran.

Narekober sa mga sus­pek ang dalawang kalibre 38 baril at isang bolt cutter na ginamit nilang pambukas sa padlock ng pintuan ng bahay ng biktima.
Base sa ulat ang insidente sa may 10 St., panulukan ng Balite St., Brgy. Maria­na, ganap na ala-1:45 ng ma­da­ling-araw.

Nabatid na tinangka uma­nong pasukin ng mga suspek ang bahay ng mag-asawang Jose at Carmina Damian na residente sa  no. 156 10th St., kung saan pinutol umano ng mga suspek gamit ang bolt cutter ang padlock sa gate ng kanilang garahe.

Nang makapasok ay binaril ang salamin ng bintana ng bahay sa pag-aakalang wala nang tao sa loob, pero narinig ito ng mag-asawa, dahilan para mabulabog ang mga suspek at magsipag­takbuhan papatakas.

Tiyempo namang nagpapatrulya ang tropa ni  Supt. Norberto Babagay ng Police Station 11, habang ang mga sakay ng isang mobile patrol car at narinig ng mga ito ng putok ng baril.

Hinabol ang mga ito hanggang sa pinaputukan ang mga pulis.

Gumanti ng putok ang mga otoridad na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang suspek at nakatakas ang isa pang kasamahan.

Show comments