Dayuhang bihag ng asg pinalaya

MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga ban­didong Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang dayuhan na mahigit isang taon na nilang bihag sa Pagadian City, Zamboanga del Sur nitong Sabado ng madaling-araw.

Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., dakong alas-1:10 ng madaling-araw ng pakawalan ng mga kidnappers ang bihag na dayuhang si Warren Ri­chard Rodwell, 54 anyos, Australian national.

Ayon kay Cerbo, si Rod­well ay nakitang pagod na pagod na naglala­kad at inihatid ito sa him­pilan ng 903rd Maritime Police Station bago iti­nurnover kay Supt. Julius Muñez, hepe ng Pagadian City Police.

Si Rodwell ay binihag ng ASG na pinamumunuan ni Commander Furuji Indama na nakabase sa Basilan noong Disyembre 5, 2011 sa Green Mea­dows Subdivision sa Ipil, Zamboanga Sibugay.

Sinasabing pumayat ng husto ang dayuhan dahil mahigit sa isang taong hawak siya ng mga bandido.

Hindi pa makumpirma ng mga awtoridad kung may kapalit na ransom ang pagpapalaya kay Rodwell matapos na una ng humi­ngi ng $2-M ng mga kidnappers nito kapalit ng kanyang kalayaan.

 

Show comments