Mga nakapasa sa bar exams pinuri ni Koko

MANILA, Philippines - Nagdaan sa butas ng karayom bago nakapasa ang 949 sa bar examination ngayong taon kaya’t karapat-dapat purihin ang mga ito.

Ito ang inihayag ni re-electionist  Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga nakapasa sa pagsusulit sa pangunguna ni Ignatius Michael  Ingles at umaasa ito na gagawin ang pinakamabuti sa simula ng law career ng mga nakapasa.

Nagtapos sa Ateneo Law School si Ingles at ito ang ikatlong sunod na taon na isang taga-Ateneo  ang nanguna sa pagsusulit na halos nakopo ang nasabing unibersidad ang top ten ng bar exam.

“Alam kong ito ang isa sa pinakamahirap na bar exam kaya 17.76 porsiyento lamang sa 5,343 kumuha ng exam ang pumasa kaya pinakakaunting nakalusot sa huling 13 taon,” ani Pimentel na topnotcher sa 1990 bar exam sa grading 89.89 porsiyento.

Hinimok din niya ang mga bagong abogado ng bansa na magsikap upang maging pinakamagagaling sa abogasya.

“Ang maipapayo ko lamang sa mga bagong abogado ay ang aking laging isinisigaw.’Kung nasa tama ka, ipaglaban mo!’ At pinanindigan ko ito lalo sa pagsusulong sa aking protesta sa halalan mula 2007 hanggang 2011,” paliwanag ni Pimentel.

 

Show comments